Friday, October 17, 2025

GABAY SA MISA: Ilang sagot ng bayan sa Misa at patnubay upang matanggap ang naguumapaw na grasya at pag-ibig ng Diyos sa Eukaristia

Walang higit na mabisa para abutin ang Diyos at ang kanyang mga pagpapala kaysa sa Eukaristiya. (cf S Pablo VI)

I-download ang isang pahinang Gabay sa Misa dito

ANO ANG SANTA MISA?

- Ginagawang presente ang sakrispiyo ni Kristo sa krus (CCC 1323, 1330, 1366,1353)

- Mismong sakripisyo ng Katawan at Dugo ni Hesus; Pag-alala sa pagdurusa at muling pagkabuhay ni Hesus (Compendium 271; CCC 1330)

- Tanda ng pagkakaisa, buklod ng pag-ibig, at piging ng Paskuwa, pangako ng darating na kaluwalhatian. (Compendium 271)

- Ganap na pagpapahayag ng walang-hanggang pag-ibig ng Diyos (S. Juan Pablo II) Pinagmulan at tugatog ng buhay Kristiyano  (CCC 1324)

PAGKILALA SA MGA KASALANAN

Pinagdurusa ng ating kasalanan si Kristo sa krus. (cf. CCC 598)

Inaamin ko sa makapangyarihang Diyos, at sa inyo, mga kapatid, na lubha akong nagkasala (Dadagok ang lahat sa dibdib) sa isip, sa salita, sa gawa at sa aking pagkukulang. Kaya isinasamo ko sa Mahal na Birheng Maria, sa lahat ng mga anghel at mga banal at sa inyo, mga kapatid, na ako’y ipanalangin sa Panginoong ating Diyos.

PAPURI SA DIYOS: Pagkilala sa kadakilaan ng Diyos

Papuri sa Diyos sa kaitaasan at sa lupa’y kapayapaan sa mga taong kinalulugdan niya. Pinupuri ka namin, dinarangal ka namin, sinasamba ka namin, ipinagbubunyi ka namin, pinasasalamatan ka namin, dahil sa dakila mong angking kapurihan. Panginoong Diyos, Hari ng langit, Diyos, Amang makapangyarihan sa lahaBayan:  Panginoong Hesukristo, Bugtong na Anak, Panginoong Diyos, Kordero ng Diyos, Anak ng Ama. Ikaw na nag-aalis ng mga kasalanan ng sanlibutan, maawa ka sa amin. Ikaw na nag-aalis ng mga kasalanan ng sanlibutan, tanggapin mo ang aming kahilingan. Ikaw na naluluklok sa kanan ng Ama, maawa ka sa amin. Sapagka’t ikaw lamang ang banal, ikaw lamang ang Panginoon, ikaw lamang, O Hesukristo, ang Kataas-taasan, kasama ng Espiritu Santo sa kadakilaan ng Diyos Ama. Amen.

PAGPAPAHAYAG NG SALITA NG DIYOS

Diyos mismo ang nagsasalita. (GIRM) Makinig nang mabuti, at hangarin ang pagtupad ng kalooban ng Diyos araw araw. 

Papuri sa iyo, Panginoon.

Pinupuri ka namin, Panginoong Hesukristo.

SUMASAMPALATAYA: Sa Santatlong Diyos at ang kanyang mga biyaya ng pag-ibig para sa atin

Sumasampalataya ako sa Diyos Amang makapangyarihan sa lahat, na may gawa ng langit at lupa. Sumasampalataya ako kay Hesukristo, iisang Anak ng Diyos, Panginoon nating lahat. Nagkatawang-tao siya lalang ng Espiritu Santo, ipinanganak ni Santa Mariang Birhen. Pinagpakasakit ni Poncio Pilato, ipinako sa krus, namatay, inilibing. Nanaog sa kinaroroonan ng mga yumao. Nang may ikatlong araw nabuhay na mag-uli. Umakyat sa langit,  Naluluklok sa kanan ng Diyos Amang makapangyarihan sa lahat.  Doon magmumulang paririto at huhukom sa nangabubuhay at nangamatay na tao. Sumasampalataya naman ako sa Diyos Espiritu Santo, sa banal na Simbahang Katolika, sa kasamahan ng mga banal, sa kapatawaran ng mga kasalanan, sa pagkabuhay na muli ng nangamatay na tao at sa buhay na walang hanggan. Amen.

PAGHAHANDA NG MGA ALAY

Iniaalay natin ang ating buong buhay at ang buong daigdig, kasama ng tinapay at ng alak—para sa lahat ng tao, at lalo na para sa ating mga mahal sa buhay, mga kakilala at mga nangangailangan.

Kapuri-puri ang Poong Maykapal ngayon at kailanman!

Tanggapin nawa ng Panginoon itong paghahain sa iyong mga kamay sa kapurihan niya at karangalan sa ating kapakinabangan at sa buong Sambayanan niyang banal.

SANTO: Patikim ng liturhiya sa langit, pananabik sa pagdating ni Kristo sa Eukaristia

Kasama natin ang hukbo ng mga anghel, lahat ng mga santo, at ang buong sangnilikha sa pagpupuri sa Diyos na Santatlo.

Santo, santo, santo, Panginoong Diyos ng mga hukbo. Napupuno ang langit at lupa ng kadakilaan mo. Osana sa kaitaasan! Pinagpala ang naparirito sa ngalan ng Panginoon. Osana sa kaitaasan!


TRANSUBSTANSAYON: Ito ang Aking Katawan; Ito ang Kalis ng Aking Dugo

Ito ang pinakasentro ng Misa: Ginagawang presente ni Hesus at ng Espiritu Santo ang katawan at dugo ni Kristo, ang sakrisyo ni Kristo sa krus. (cf CCC 1353)  Sambahin at ibigin natin si Jesus. Mamangha tayo sa kanyang presensya at kabaliwan ng pag-ibig—buong pag-aalay ng sarili.

MISTERYO NG PANANAMPALATAYA

Si Kristo’y namatay! Si Kristo’y nabuhay!

Si Kristo’y babalik sa wakas ng panahon!

AMA NAMIN:  Maayos at perpektong panalangin ni Hesus

Ama namin, sumasalangit ka. Sambahin ang ngalan mo. Mapasaamin ang kaharian mo. Sundin ang loob mo dito sa lupa para nang sa langit. Bigyan mo kami ngayon ng aming kakanin sa araw-araw. At patawarin mo kami sa aming mga sala para nang pagpapatawad namin sa nagkakasala sa amin. At huwag mo kaming ipahintulot sa tukso. At iadya mo kami sa lahat ng masama.

DOKSOLOHIYA: Liturhikong panalangin sa langit

Sapagka’t iyo ang kaharian at ang kapangyarihan at ang kapurihan magpakailanman! Amen.

KORDERO NG DIYOS: Hesus, ang ating pagbabayad-sala 

Kordero ng Diyos, na nag-aalis ng mga kasalanan ng sanlibutan, maawa ka sa amin.

Kordero ng Diyos, na nag-aalis ng mga kasalanan ng sanlibutan, maawa ka sa amin.

Kordero ng Diyos, na nag-aalis ng mga kasalanan ng sanlibutan, ipagkaloob mo sa amin ang kapayapaan.


KOMUNYON:  Malapit at matalik na pakikipag-isa kay Kristo na muling nabuhay

Panginoon, hindi ako karapat-dapat na magpatuloy sa iyo nguni’t sa isang salita mo lamang ay gagaling na ako.

Nandito si Hesus. Siya ay buhay.” (Francisco)

“Ang pagtinging nabihag ng pag-ibig ni Maria sa mukha ng bagong silang na Kristo ang ating huwaran ng pag-ibig sa Komunyon” (cf. S. Juan Pablo II)

Pinakamahalagang utos ni Jesus para sa araw-araw na buhay: Ibigin mo ang Panginoon mong Diyos nang buong puso, nang buong kaluluwa, nang buong pag-iisip, at nang buong lakas… Ibigin mo ang iyong kapwa gaya ng iyong sarili alang-alang sa Diyos.  (Mk 12:28–31; CCC 1822)

I-download ang isang pahinang Gabay sa Misa dito

BASAHIN DIN: 

Bakit Tayo Nagsisimba? 

Kumpisal: Simpleng Dahilan, Simpleng Paraan


No comments:

Post a Comment