BAKIT TAYO NAGSISIMBA?
Kung alam lamang natin kung paano pinahahalagahan ng Diyos ang Sakripisyong ito, isusugal natin ang ating buhay makadalo lamang sa isang Misa. -- S. Padre Pio
1. Maki-bahagi kay Hesus sa kanyang Sakripisyo sa Kalbaryo na syang nagbabago ng mundo. Sa mahiwagang paraan, ang Diyos na walang simula at katapusan ay pinagiging ngayon ang pangyayaring naganap dalawang libong taon na ang nakaraan at syang naging bagong simula ng kasaysayan ng sangkatauhan: ito yaong walang kapantay na kabuktutan (pagpatay sa Diyos) na pinaging dakilang gawa ng kabutihan ni Hesus: ang pagtubos ng lahat ng tao sa lahat ng panahon sa pamamagitan ng kanyang pagkamatay sa krus at pagkabuhay na muli. At gawad nito sa Diyos ang walang kapantay na luwalhati. Sa Banal na Misa, binabagtas natin ang panahon pahantong sa pagkakataong yaon na syang sentro ng ating buhay: ang Misteryo Paskwal.
2. Gawin ang pinakamabuting gawain. Pagsamahin man ang lahat ng mabuting gawain, lahat ng kawanggawa ng mga NGOs, lahat ng sakripisyo ng mga martir at santo, at sila ay pawang tuldok ng alikabok lamang kung ikukumpara sa walang katumbas na halaga ng Sakripisyo ni Hesus sa Misa. "Lahat ng mabuting gawain sa mundo ay gawa ng tao, subalit ang Misa ay gawa ng Diyos" (S. Juan Maria Vianney)
3. Tanggapin ang pinakamahal na regalo . "Kung ikaw ay pagsasabihan ng iyong ama na kunin sa isang lugar ang iyong regalo na nagkakahalaga ng bilyong piso, di kaya ikaw ay hahangos at iiwan ang lahat para hanapin yaon? Paano kung ang regalo ay ang Nagmamayari mismo ng sangkalikhaan? Magaatubili ka pa ba at di sya tanggapin?" (H. Raynal) Sa misa ay higit pa sa bilyon bilyong sangkalikhaang puno ng kayamanan ang ating tinatanggap. Dahil ang Diyos ay walang maibibigay na higit pa sa kanyang pagmamahal, ibinibigay nya ang pinakadakilang handog: ang kanyang katawan, dugo, kaluluwa at pagka-Diyos - sya mismo.
4. Humakbang sa langit. Makaniig si Hesus. Maranasan ang pagdampi ng langit sa lupa at matikman ang pauna ng makalangit na liturhiya na nalalarawan sa libro ng Apokalipsis. Makaniig mismo si Hesus: sya na walang kapantay na kagandahan. Sya mismo ang nagsasalita sa pagbasa ng iskriptura (Vat II SC). Sa kabaliwan ng pagmamahal, ibinuhos nya sa ating lahat ang kanyang awa at pagibig, upang mapanibago ang ating puso, buhay, at paraan ng pakikitungo sa Kanya at mga kapatiran. (Francis) Sinasabi ni Hesus: Ito ang aking katawan na inihahandog sa iyo.
5. Abutin ang tugatog ng pagmamahal at pagdarasal. Linikha tayo ng Diyos sa iisang layunin: ang sya ay ating mahalin ng buong puso at lakas. Ito ang pinakadakila nating dignidad: ang makausap ang Diyos bilang malapit na kaibigan. Sa Misa, naaabot natin ang tugatog ng ating pakikipagusap at pagsamba habang tayo ay nakikiisa sa pagdarasal ng Diyos sa Diyos. Higit sa lahat, pinakikiisa tayo ni Hesus sa Kanya, at dinadala sa "mismong daluyong ng kanyang paghahandog-sarili" ang buod ng kanyang buhay. (Benedict XVI)
6. Namnamin ang pinakamasayang pampamilyang pagsasalo. Sa bawat Misa, nararanasan natin ang pag-awit sa Banal na Santatlo ng pinakamarami at pinakamahusay na koro: lahat ng mga anghel at mga anak ng Diyos sa buong pamilya ni Hesus, lahat ng mga nangabuhay at nangamatay, ay inaawit: Santo, Santo, Santo! At kainggit-inggit, ang bagay na hindi kaya ng anghel: makinabang sa handa ng paraiso, ang Tinapay at Tupa ng Diyos, 'kaloob mismo ang lahat ng kadalisayan'. (Rito ng Benediction)
7. Tumanggap ng pinakamakapangyarihang tulong. Ang Misa ang tuktok, subalit ugat din ng buhay kristiyano. Ang lakas nito ay higit pa sa maraming bomba-nuklear! Nakakapagtaka, ang Nakapangyayari sa lahat ay yumuyuko para gawing katawan ng Diyos ang tinapay at tulad ng alipin ay tayoy pinapakain at ibinibigay ang sarili para maging lingkod natin. Hilingin natin ang tulong para sa mga nangangailangan, mga mahirap, may sakit, at mga nagdurusang kaluluwa sa purgatoryo. Sya ay naghahatid ng napakamakapangyarihang grasya para tulungang lutasin ang mga suliranin ng lipunan at harapin ng lubos ang responsibilidad ng personal na misyon.
8. Samantalahin ang pinakamahusay na pagkakataon para kausapin si Hesus at sa kanya ay humiling. Walang mas mahusay na pagkakataon para humingi at lumago sa kabutihan kaysa sa yugto ng pagkakalapit sa Kanya sa misa. Habang ang anyo ng tinapay ay hindi pa nalulusaw (10-15 mins.), si Hesus ay nasa atin katulad ng sya ay nasa altar. Kaya manatili ilang saglit pagkatapos ng misa para pasalamatan ang Diyos, syay sambahin at suyuin para sa ilang hiling.
9. Pagibayuhin ang pinakadakilang proyekto. Sa Eukaristiya, ipinagpapatuloy ni Kristo ang pagtubos ng tao sa kasalanan at sa gawaing ito dapat ang bawat Kristiyano ay kanyang katuwang. Ang huling wika ni Hesus sa misa, bigkas sa pamamagitan ng pari, ay umaalingawngaw ayon sa kanyang utos: Humayo! Humayo kayo gawing alagad ang lahat ng bansa...Ako ay sasainyo hanggang sa dulo ng mundo.
10. Sundan si Hesus. Ang lihim ng masaya at mabungang buhay ni Hesus ay ang lubos na pagsunod sa Diyos. Ang Bibliya ay nagbigay ng maikling salaysay-buhay ni Hesus mula sa pagkamusmos at kabataan: 'masunurin sya sa magulang', Tinubos nya ang lahat sa 'pagsunod hanggang kamatayan sa krus.'. Sa pagdalo sa Misa, sinusundan natin ang kanyang bakas at tumatalima sa kanyang bilin: "Gawin ninyo ito sa pagalala sa akin."
Ang sadyang pagliban sa misa ng Linggo ay kasalanang mortal. Kung paanong ang pagtatakwil ng hangin, tubig, at pagkain ay ikamamatay, tayo din ay 'di maaring manatiling walang pagkaing ispiritwal na handog ng Diyos sa Misa. At tayo ay may likas at seryosong obligasyon na mag-alay ng pangmadlang pagsamba sa ating Lumikha at Tagapanatili' na kung syay wala, tayoy maglalaho. Kaya, ang Diyos ay iniutos na itangi ang Araw ng Diyos na banal at ang simbahan ay ipinataw sa sinumang sadyang liliban sa tungkulin na dumalo sa Misa ng Linggo at iba pang araw na banal “ang pagkakasalang malubha.” (CCC 2181)
Paano dumalo sa misa: (1) Isaalangalang mabuti na ikaw ay nasa presensya ng madugong sakripisyo ni Kristo sa krus: 'Sa mata ng isip dalhin ang sarili sa Kalbaryo”. (S. Padre Pio) (2) Ihanda ang yong kaluluwa sa pagdarasal. (3) Isuot ang akmang kasuotan upang salubungin ang napakadakilang persona. (4) Pakinggan ang bawat kataga ng Diyos na iniiukol sa yo sa pamamagitan ng Salita, ang Iskriptura. (5) Dasalin gamit ang mga sagutan sa Misa at lubos na ipatungkol sa Diyos. (6) Ialay ang sarili kay Hesus. (7) Tanggapin si Hesus na karadapatdapat sa Banal na Komunyon. Malubhang kasalanan ng sakrileheyo na sya ay tanggapin sa komunyon ng may kasalanang mortal. Magkumpisal kung kailangan. (8) Pasalamatan ang Diyos nang naguumapaw sa loob ng ilang minuto pagkatapos ng Misa.
Isinalin sa Filipino ni Arnold Morfe mula sa Ingles ng orihinal na artikulo ni Dr. Raul Nidoy, Why Go to Mass?
I-download ang artikulo sa isang pahinang polyeto dito.
Bilang
pagsunod sa hamon ng Papa para sa Bagong Ebanghelyo, gumawa ng maraming kopya
at ipamigay. O ibenta ng may o walang tubo.