Tuesday, August 2, 2016

KUMPISAL: SIMPLENG DAHILAN, SIMPLENG PARAAN

Mga simpleng dahilan at paraan upang matanggap ang dakilang himala at ligaya ng awa ng Diyos


I-download ang isang pahinang leaflet dito: Word o PDF

Bakit ko kailangang mangumpisal?

Dahil ang pinaka-kasiyasiya sa Diyosturo ni Papa Franciscoay ang pagpapatawad sa atin. Ang Diyos ay ang maawaing Ama sa Talinhaga ng Alibughang o Mapagwaldas na Anak. Inaabangan Niya ang pagkakataon na mayapos tayo, halikan, at magdiwang kasama natin sa tuwing tayo ay nangungumpisal. "Hindi napapagod ang Diyos sa kapapatawad sa atin... walang hanggang nakahihigit ang Kanyang awa sa ating mga kasalanan." (Papa Francisco)

Tandaan: ang iyong mapagmahal na Manlilikha ay namatay upang ikaw ay maging anak ng Diyos, at sinaktan mo siya. (Cf. CCC 292, 258, 598) Ang mga kasalanan mo ang siyang nagdulot ng kanyang masakit at madugong pagkamatay sa krus. Ang iyong mga malulubhang kasalanan ang siyang nagputol sa pagkakaibigan mo sa Diyos, at nagdulot ng pagkawala ng iyong pinakadakilang kayamanan: grasya, kaloob ng Diyos ng kanyang banal na buhay, higit pa sa buong sanlibutan! Kung walang grasya, hindi tayo makakapasok ng langit. Kapag namatay tayo nang may kasalanang mortal, tutungo tayo sa impiyerno. (Cf. CCC 1035) Kapag tayo ay nangumpisal, imbes na parusahan tayo, tayo ay pinapatawad ng ating Ama, at binubuksan niya ang langit para sa atin, at pinupuno niya tayo ng galak. 

Ang pagpapatawad sa Kumpisal ang "pinakadakilang himala", ang sabi ni Hesus kay Sta. Faustina. At ayon kay Beato Alvaro, ito ang siyang nagdudulot ng "pinakamaligayang sandali sa ating buhay."

Bakit ko pa kailangang mangumpisal sa pari? Bakit hindi na lang ako dumiretso sa Diyos?
1.) Ang Diyos ang Siyang magpapasiya kung paano Niya tayo papatawarin. Hindi tayong mga nagkasala ang makapapasiya nito. Ang nasaktan lamang, hindi yung nakasakit, ang makakapagsabing "Pinapatawad kita."
2.) Habilin ng Diyos na "i-confess o aminin natin sa isa't-isa ang ating mga kasalanan" (Jas 5:16) kaya Niya ipinagkaloob sa Kanyang mga ministro ang kapangyarihan na magpatawad ng mga kasalanan. Hininga Niya ang Espiritu Santo sa mga Apostol at sinabi, "Sinumang patawarin ninyo ng kanyang mga kasalanan, ito nga ay pinapatawad." (Jn 20:23) Ninais ng Diyos na aminin natin sa mga pari ang ating mga kasalanan upang mapatawad ang mga ito. Naaayon sa Bibliya ang pangungumpisal!
3.) Tinatag ng Diyos ang Kumpisal bilang sakramento: ito ay isang konkretong paraan kung saan hinahagkan tayo muli ng ating maawaing Ama at ibinabalik sa atin ang dakilang yaman ng grasya na nawala sa atin sa noong nagkasala tayo. Pinaparamdam sa atin ng Kumpisal ang maligayang pagdiriwang ng langit na naramdaman ng Alibughang Anak sa kanyang pagbabalik.
4.) Mabuting Ama ang Diyos at nais Niyang siguruhin na alam natin na tayo ay  pinatawad na. Hinahangad niya na alisin sa atin ang pasan ng pagkakasala sa tuwing naririnig natin sa pari, "Pinapatawad kita..." Tunay ngang nakaluluwag ng loob at nakapagpapaligaya ang pangungumpisal!
5.) Sinaktan din natin ang Simbahan, kaya kailangan nating makipagsundo muli sa kanya. Binubuo nating mga Kristiyano ang katawan ni Kristo, kaya ang ating mga kasalanan ay nakasasakit sa buong katawan. Nararapat lamang na humingi tayo ng patawad sa ulunan ng Bayan ng Diyos, si Kristo, sa pamamagitan ng kanyang kinatawan, ang pari.
6.) Bilang isang binyagang kasapi ng Simbahan, sinusunod natin ang mga batas ng lipunang ito. Bilang isang mabuting kasapi ng komunidad na ito, hindi lang natin basta ginagawa ang natitipuhan natin. Sa halip, iniibig natin ang mga batas ng Diyos.
 

Ayon kay San Josemaria, ang pinakamabuting debosyon ay ang madalas na paghingi ng tawad sa Diyos. Magkamali man tayo nang kaunti o magkasala nang malubha, inaanyayahan tayo na bumalik kaagad sa Diyos at yakapin Siya muli, at alam natin na iniibig Niya ito. Tuwing nangungumpisal tayo, pinapatunay natin sa Diyos na tunay nga tayong magbabalik-loob, nakapagpasya na gawin ang tama at sumunod sa Kanya.

Mga palsong palusot
1.) Nahihiya ako. Kung hindi naman tayo nahihiyang gumawa ng masama, mas madali naman sigurong hindi mahiya sa pangungumpisal.
2.) Tao lang din naman ang pari tulad ko. Naging tao rin ang Diyos, at ipinagkaloob sa tao ang kapangyarihang gumawa ng mga dakilang bagay: ang pagsulat ng Salita ng Diyos, ang pagpapabanal sa Bayan ng Diyos, at pagpapatawad ng ating mga kasalanan (pagbigay ng yapos ng Diyos!).
3.) Malalaman ng mga pari ang mga kasalanan ko! Tungkulin ng bawat pari na hindi sabihin sa kaninoman ang anumang marinig nila sa kumpisalan. Nakarinig na sila ng iilang mga kasalanan na magkakapareho ng uri. Hindi lubos na namumukod-tangi ang mga kasalanan mo.

Paano ba mangumpisal?
Tatlong simpleng hakbang: 1.) Suriin ang konsensiya. Subuking alalahanin ang bawat kasalanan mula noong huli mong kumpisal, at pagsisihan ang mga ito. 2.) Mangumpisal sa pari. Sabihin "Basbasan mo ako, Padre, sapagkat nagkasala ako. Ang huli kong kumpisal ay noong (sabihin kung kailan). Ito po ang aking mga kasalanan: (Sabihin ang mga kasalanan at kung gaanong kadalas mo ginawa ito)." Kapag tapos na, makinig sa payo ng pari at sabihin ang Panalangin ng Pagsisisi habang iginagawad sa'yo ang absolusyon: O Diyos ko, pinagsisisihan kong lubos ang pagkakasala ko sa iyo dahil ikaw ang Diyos ko na ubod ng kabutihan at karapat dapat sa buo kong pag-ibig.  Nagtitika akong lubos, sa tulong ng iyong biyaya, na iwasan ang mga kasalanan at ang mga pagkakataon ng pagkakasala at tuparin ang Utos mo. Amen 3.) Gawin ang pentitensya  na ibinigay ng pari.

Isang simpleng gabay para sa pagsusuri ng konsensiya: listahan ng mga kasalanan ayon sa Sampung Utos ng Diyos.
1 - 3: Pagkawalang-galang sa Diyos; hindi nagmamahal sa Diyos nang buong-buo; nakasentro sa sarili at hindi nakasentro sa Diyos; pagliban sa oras ng dasal lalo na ang Misa tuwing Linggo, at iba pang mga tungkulin sa Diyos; pagbaling sa mga pamahiin; pagkawalang-tiwala sa Diyos; pagtanggap ng komuniyon nang may kasalanang mortal.
4: Kawalang-galang at di-pagsunod sa mga magulang at sinumang may otoridad; pagiging pabaya sa mga tungkulin sa pamilya at lipunan; pagtanggap ng salat na edukasyong relihiyoso at moral.
5: Pagkawalang-bahala sa mga materiyal at espirituwal na pangangailangan ng ibang tao; pagnanais ng kasamaan sa iba; puminsala at mangapi ng ibang tao; pagiging masamang halimbawa; pagiging matakaw; pagkimkim ng galit at poot; paglunod sa bisyo; paglalasing; pagpinsala sa sarili; pag-iisip na kitilin ang sariling buhay; pagpatay ng tao; pagpapalaglag ng bata.  
6 at 9: Malalaswang pag-iisip at pagnananasa; pagiging malaswa; pornograpiya; masturbation; pagtakwil at pag-aabuso ng mga karapatan ng mag-asawa; paggamit ng mga kontraseptibo; pagtatalik na nasa labas ng kasal (pre-marital/extra-marital sex); pagtatalik sa magkaparehong kasarian (homosexual acts).  
7 at 10: Katamaran; pagsayang ng oras sa trabaho; pagkawalang-bahala sa mga dukha; pagkainggit; pandaraya; pagnanakaw; hindi sumasauli o naninira ng pag-aari ng iba; iniiwasan ang pagbayad sa utang; materiyalismo; pagbayad nang di-makatarungang sahod.  
8: Pagsinungaling; nagkakalat ng tsismis; paninirang-puri; pagsira ng pangalan at reputasiyon ng ibang tao.

Pinakamahalaga: pagbabalik-loob na nakasentro sa Ipinako sa Krus.
Ito ang mahalagang mensahe ni Hesus: Magbalik-loob! Baguhin ang iyong puso! Manumbalik palagi sa Diyos upang lumago sa atin ang kabanalan. Ang sikreto ng buhay-Kristiyano ay ang pagtuon ng ating mga isipan sa pagpapakasakit, pagkamatay, at muling pagkabuhay ni Hesus. Ang tignan Siyang nasugatan ng ating mga kasalanan, na sa Kanyang mga sugat tayo ay hinihilom ng Kanyang walang-hanggang pagmamahal.
 

Nawa'y madalas nating salubungin si Hesus nang may buong galak sa pangungumpisal: hindi sana kumulang sa isang beses kada buwan. Pati ang mga Santo Papa ay nangungumpisal linggu-linggo o kada dalawang linggo. Iba sa kanila araw-araw pa! Madiin nilang hinahabilin sa lahat na mangumpisal nang madalas upang: 1) maiwasan ang paglago ng kasalanan, 2) mapabilis ang pagsulong ng mga mabubuting gawain natin, at 3) lumiyab sa atin ang hangaring maging banal. Tayo ay magiging mga kaibigan ni Hesus na puspos ng ligaya, na umaanyaya sa iba na salubungin Siya sa himala ng Kumpisal.

I-download ang isang pahinang leaflet dito: Word o PDF.

Sa Ingles: Confession: Simple Reasons, Simple Steps

Tignan din: 





These one-page leaflets have started going viral around the world. One leaflet was posted in the website of the Archdiocese of Westminster in London ("The Mother Church of England"), in the Corpus Christi Parish in Canada,  in Kenya and in Macau. To get the full collection, please see this: One Page Leaflets for New Evangelization Going Viral! 

No comments: